Inatasan ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang napaulat na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga bayan sa Oriental Mindoro.
Sa isinagawang relief operations ng senador sa mga bayan ng Bulalacao, Roxas, Pinamalayan, Pola at Naujan na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress ay napag-alamang nagsitaasan ang presyo ng mga pagkain at pangunahing bilihin tulad ng bigas, karneng baboy, manok, itlog, at gulay.
Ayon kay Revilla, nakababahala ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga apektadong bayan sa Oriental Mindoro kung saan wala na halos makain ang mga tao dahil nalason na ang mga isda at iba pang lamang-dagat.
Agad na pinakikilos ng senador ang DTI para tiyaking walang negosyante ang magsasamantala sa nangyaring insidente.
Pinagsasagawa ni Revilla ang ahensya ng mahigpit na monitoring at ipinawawasto rin nito ang presyo ng mga pagkain at bilihin sa merkado.
Punto pa ng mambabatas, mayroon aniyang batas na nagbibigay kapangyarihan sa DTI para siguruhing hindi basta-basta magtataas ang presyo ng mga bilihin lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.