
Iminungkahi ni Batangas First District Representative Leandro Leviste sa Office of the President at kaukulang ahensya ng pamahalaan na magtabi ng savings mula sa halos P22.9 billion na budget sa hosting ng 2026 ASEAN Summit.
Sa inihaing House Resolution 911 ay sinabi ni Leviste na gagamitin ang savings para sa social aid at relief measures para maibsan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.
Tinukoy ni Leviste na sa ilalim ng 2025 National Budget ay may nakalaang ₱5.4 billion para sa paghahanda sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit habang nasa mahigit P17.4 billion ang nakalaad dito sa ilalim ng 2026 National Budget.
Mahalaga para kay Leviste ang hosting ng ASEAN summit lalo na sa larangan ng diplomasya, turismo, kalakalan, pamumuhunan, at regional influence kaya hindi ito dapat kanselahin.
Pero suhestyon ni Leviste, gawing matipid ang pagdaraos nito para ang hindi magagamit na pondo ay mailaan sa pagpapalawak ng pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng tumataas na presho ng langis at disiplina din sa paggastos.










