Pagtatag ng Department of Water Management, napapanahon na

Para kay Senador Imee Marcos, ngayon na ang tamang panahon para itatag ang Department of Water Management o kahit anong kahalintulad nito na may seryosong mandato, na mangunguna sa pagsasama ng mahigit 30 national bodies na halos magkakapareho lang tulad ng DENR, DAR, DPWH, MWSS, NWB, at ang napakaraming local water boards.

Sabi ni Marcos, ito ang tututok sa pagpapahusay sa water facilities at resources ng bansa sa gitna ng mga hamon sa paglobo ng populasyon at climate change tulad ng matinding pagbaha na dinaranas ngayon matapos manalasa ang mga bagyo.

Pangunahing nais ni Marcos na tutukan nito ang pagsasaayos at upgrading ng mga dam tulad ng 38 taon ng Magat Dam na siyang pinagmulan ng tubig na nagdulot ng matinding pagbaha sa Cagayan Isabela, at ilan pang lugar.


Binanggit din ni Marcos ang 52 years old na Angat Dam na hindi na sapat ang suplay na tubig sa 12 million at patuloy pang lumalaking populasyon sa Metro Manila.

Nais din ni Marcos na buhayin ang flood control projects tulad ng hindi natapos na Paranaque Spillway na noon pang ‘70s naisipan at ang dredging ng Laguna Lake na inabandona noong 2011, upang pigilan ang mga pagbaha sa Metro Manila at karatig probinsya.

Iginiit din ni Marcos na puwedeng makinabang ang bansa mula sa bagyo kung makalilikha tayo ng rainharvesting facilities na hindi lang makababawas ng pagbaha kundi makadadagdag pa sa patubig para sa irigasyon ng mga magsasaka, fish farming, at maging sa urban sanitation.

Dagdag ni Marcos, kailangan din natin ng iba pang imprastraktura tulad ng Candaba Viaduct na itinayo noon pang 1976, para hindi mapatid ang pagbiyahe at pagnenegosyo kahit pa may malalakas na buhos ng ulan.

Facebook Comments