Inihayag ni Pinuno Party-list Rep. Howard Guintu na sa pananalasa ng Super Typhoon Karding ay nakita ang pangangailangan na magkaroon ng National Emergency Stockpile Law.
ito ang dahilan kaya inihain ni Guinto ang House Bill No. 3783, panukalang National Emergency Stockpile Act, na nag-aatas sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na magtatag ng National Emergency Stockpile.
Magsisilbi itong imbakan ng mga supplies tulad ng mga gamot, bakuna, basic commodities at iba pang kagamitan na kailangan sa pagtugon sa mga emergency situations at kapag may tumamang kalamidad.
Ayon kay Guinto, ang pagkakaroon ng National Emergency Stockpile ay makakatulong para mapabilis ang pag-aksyon ng gobyerno tuwing may deklaradong local o national state of calamity or emergency.
Giit ni Guinto, sa mga ganitong sitwasyon ay kailangan ang mabilis na pagkilos ng national government dahil maaring may buhay na mawala sa bawat oras na masasayang.
Ang mga materyales o items na ilalagak sa naturang Stockpile ay tutukuyin ng NDRRMC katuwang ang Department of National Defense (DND), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.