
Iginiit ng ilang mga senador na dapat dumaan muna sa konsultasyon at pagtalakay ang pinaplanong pagtatakda ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa August 4.
Hati ang mga senador na tatayong hukom sa impeachment trial sa binabalak na muling pag-atras ng petsa ng paglilitis na inaasahan noong una na sa July 29 o pagkatapos ng State of the Nation o SONA ng pangulo isasagawa.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, kailangang talakayin ang suhestyong ito sa Plenaryo at i-justify ang pagbinbin sa pagko-convene ng impeachment court at saka ito pagbotohan ng mga senador.
Anuman ang maging desisyon ng mayorya ay nakahanda namang sumunod ang senador pero dapat ay pakinggan din muna ang paliwanag sa kanilang mga boto.
Hihingi naman ng paliwanag si Senator Kiko Pangilinan tungkol sa ulat ng pag-reset ng impeachment trial sabay giit na malinaw sa Konstitusyon na oras na mai-transmit ang articles of impeachment ay dapat na simulan agad ang paglilitis.
Muling binigyang-diin ni Pangilinan na suportado niya ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings at bilang mga senador ay tungkulin nilang umupong hukom at tiyakin na ang proseso ay umuusad nang may integridad, patas at mabilis.









