Pagtatakda ng living wage, isinusulong sa Senado

Hiniling ni Senator Loren Legarda na maisabatas ang isinusulong niyang pagtatakda ng “living wage” sa halip na “minimum wage.”

Sa ilalim ng Senate Bill 2662 na inihain ni Legarda, tinukoy rito na ang living wage ay sahod na nakabatay sa oras at uri ng trabaho at ito ay dapat sasapat para makapamuhay ang mga manggagawa ng disente at may dignidad.

Iginiit ni Legarda na ang living wage ang dapat na ibinibigay na sahod sa mga manggagawa para mabigyan sila ng pagkakataon na umunlad at mamuhay na may matibay na pundasyon.

Sa ilalim ng panukala ay inaamyendahan ang Labor Code of the Philippines para maibigay ang living wage at ito ay tatantyahin batay sa kailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya tulad ng pagkain, damit, tirahan, health care at edukasyon.

Tinukoy ni Legarda ang report ng IBON Foundation na hanggang nitong March 2024, P1,207.00 ang nararapat na maging daily minimum wage ng mga manggagawa na sasapat para makasabay sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Facebook Comments