Pagtatakda ng living wage, mas pangmatagalan ang epekto kumpara sa dagdag-sahod

Naniniwala si Senator Joel Villanueva na mas malaki at mas pangmatagalan ang epekto ng living wage kumpara sa ibinigay na ₱50 na dagdag sahod sa Metro Manila.

Bagamat good news na maituturing para sa mga manggagawa ng National Capital Region (NCR) ang umento sa sahod, sa tingin ng senador ay mas magkakaroon ng “lasting impact” sa lahat ng mga manggagawa ang isinusulong na Living Wage Act dahil matutulungan nito ang mga regional wage boards na magtakda ng disenteng minimum wage level sa kanilang nasasakupan.

Batid ni Villanueva na hindi talaga pantay-pantay ang sahod ng mga manggagawa sa mga rehiyon lalo na ang mga nasa malalayong lugar na kulang sa imprastraktura, kaunti ang mga negosyante o locators at maliit ang bilang ng mga negosyo.

Gayunman, kung mayroon aniyang universal formula sa paraan ng pag-compute ng pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa ay mahalagang mayroong living wage criteria upang matugunan ang kinakailangang sweldo at tunay na makapamuhay ng maayos ang mga manggagawa.

Kaugnay dito ay inihain ni Villanueva ang Living Wage Act na pagtatakda ng living wage standard sa mga rehiyon kung saan nakatitiyak na nakakakain ng sapat, may maayos na tahanan, edukasyon para sa mga anak, kalusugan at naisasaalang-alang ang kapakanan ng mga manggagawa.

Facebook Comments