Pagtatakda ng price ceiling sa mga school supplies, hiniling ng Kamara

Umapela si Quezon City Rep. Ralph Tulfo sa Department of Trade and Industry (DTI) na magtakda ng ‘price ceiling’ sa mga school supplies.

Nababahala kasi ang kongresista na sa pagbubukas at pagbabalik sa paaralan ng mga mag-aaral ay posibleng samantalahin ang pagtaas sa presyo ng mga school supplies, school uniforms at iba pang gamit sa pag-aaral.

Giit ni Tulfo, dapat ipatupad ng DTI ang regulasyon nito sa school supplies sa pagtatakda ng price ceiling bilang pangunahing produkto salig sa Price Act at Republic Act 7581.


Payo ng mambabatas sa DTI at maging sa lokal na pamahalaan na kung ngayon pa lang ay nakikita na nila ang nagbabadyang pagtaas sa presyo ng mga gamit sa pag-aaral, dapat na aksyunan at agapan na ito upang hindi mahirapan ang mga magulang at mga estudyante.

Maaari aniyang kausapin ng DTI at ng LGU ang mga manufacturers ng school supplies sa kanilang lugar para matiyak ang mababang presyo at matatag na suplay ng mga kagamitan sa paaralan.

Hinikayat din ng kongresista ang mga paaralan na huwag din magtaas ng matrikula at iba pang school payments.

Facebook Comments