Pagtatalaga kay dating PNP Chief Cascolan sa DOH, ikinadismaya ng ACT Teachers Party-List

Labis na ikinadismaya ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-List Rep. France Castro ang pagtalaga kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Retired General Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH).

Tahasang sinabi ni Castro na hindi nararapat sa DOH ang umano’y isang Tokhang general na kasama sa nagbalangkas ng Oplan Double Barrel at umano’y pumatay sa libo-libo nating kababayan.

Punto ni Castro, magiging trabaho ba ni Cascolan sa DOH ang pagmanman sa mga progresibong health workers groups o babarilin ba nito ang COVID virus.


Giit ni Castro, ang kailangang mapwesto sa DOH ngayon na panahon pa rin ng pandemya ay isang mahusay at mapagkakatiwalaang health secretary.

Para kay Castro, ang appointment ni Gen. Cascolan sa DOH ay maituturing na sampal sa mga dedicated at qualified healthcare practitioners.

Diin ni Castro, malaking kwestyon kung ano ang kwalipikasyon ni Cascolan sa naturang posisyon kaya sya ay umaasa na babawiin ito ng Malacañang.

Facebook Comments