Ikinabahala ng Gabriela Women’s Party-list ang pagtatalaga ng apat pang dagdag na Philippine military bases sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Labis itong nakababahala para kay Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas dahil bahagi ito ng military expansionism ng Amerika sa Southeast Asia.
Sabi ni Brosas, bunsod nito ay nalalagay sa alanganin ang ating bansa at ang buong ASEAN region dahil maiipit din tayo sa tensyon sa pagitan ng US at China.
Giit ng Gabriela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagiging bukas sa ganitong hakbang ng Estados Unidos ay tila pagsusuko na rin ng ating soberenya.
Kaugnay nito ay isinusulong ng Gabriela sa Kamara na magsagawa ng pagdinig upang mabusisi ang operasyon ng kasalukuyang EDCA sites.
Patuloy rin ang pagtutulak ng Gabriela na mabasura na ang EDCA gayundin ang iba pang kasunduan ng Pilipinas sa Amerika na kinabibilangan ng Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty.