Pagtatalaga ng bagong Health Secretary, kasama sa rekomendasyon ng Senate Committee of the Whole

Sa Committee Report ng Committee of the Whole ay nakapaloob din ang rekomendasyon na magtalaga ng bagong kalihim ng Department of Health (DOH) kapalit ni Secretary Francisco Duque III.

Pero kapansin-pansin na hindi ito kasama sa sponsorship speech ni Senate President Tito Sotto III na siya ring Chairman ng Committee of the Whole na nagsagawa ng mga pagdinig ukol sa mga katiwalian sa PhilHealth.

Paliwanag ni Sotto, hindi na niya ito binanggit upang hindi lumabas na inuutusan nila ang Pangulo para palitan ang Health Secretary na siya ring tumatayong Chairman ng PhilHealth board.


Nakasaad sa rekomendasyon na ang Health Secretary ay dapat may stronger will o mas pursigido na labanan ang korapsyon sa loob ng organisasyon at sa lahat ng ahensyang nasa ilalim nito.

Bukod dito ay idinepensa rin ni Sotto ang rekomendasyon na sampahan ng kasong kriminal at administratibo si Duque kaugnay sa mga anomalya sa PhilHealth.

Katwiran ni Sotto, kahit walang pirma si Duque sa mga dokumento sa PhilHealth, bilang Chairman ng board nito ay imposible na wala itong alam sa iregular na pagpapalabas ng bilyon-bilyong pisong pondo sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM simula noong Marso.

Paliwanag pa ni Sotto, kung ikakatwiran ni Duque na wala siyang alam ay pwedeng maikonsidera na nilabag niya ang Article 217 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa sinumang public official na nagkaroon ng abandonment o kapabayaan kaya nagamit nang mali ang pondo ng gobyerno.

Facebook Comments