Pagtatalaga ng bagong PNP chief, aasahan din pagkatapos ng pormal na pag-upo ng bagong pangulo sa June 30

Aasahan sa mga susunod na linggo ang pagkakaroon ng bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP) pagkatapos ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa June 30.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, na batay sa isang provision ng Republic Act 6975 ang Chief PNP ay ina-appoint ng presidente.

Siya ay pipili batay sa listahan ng mga kandidato para maging PNP chief na isusumite ng National Police Commission o NAPOLCOM at ang mga ranggo ng mga ito ay one-star general o brigadier general pataas.


Sa kasalukuyan ay PNP Officer-in-Charge si Lt. General Vicente Danao Jr., na kung mapipili ng bagong pangulo ay otomatikong magiging full pledge general.

Ilan din sa matunog na pangalan na pinagpipilian na magiging susunod na PNP Chief ay sina:

• Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Rhodel Sermonia at siyang number 2 man ng PNP

• Area Police Command- Northern Luzon Commander PLt. Gen. Rodolfo Azurin Jr.

• Directorate for Operations Director PM. Gen. Valeriano de Leon

Sinabi pa ni Col. Fajardo na mananatiling nakasuporta ang 225,000 na police force ng PNP sinuman ang mapiling Chief PNP ni President-elect Bongbong Marcos Jr.

Facebook Comments