Imungkahi ni Senator Risa Hontiveros sa Malacañang ang pagtatalaga ng “Balik-Trabaho Czar” para tumutok sa hakbang ng pamahalaan na maibalik ang milyun-milyong trabaho na nawala dahil sa COVID-19 pandemic.
Diin ni Hontiveros, sa ngayon kasi ay hindi malinaw kung sinong opisyal ng pamahalaan ang dapat nakatutok sa pagbuo at pagbalik ng trabaho para sa ating mga kababayan.
Ayon kay Hontiveros, ito ay makaraang sabihin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na hindi sa kanyang trabaho ang employment preservation o employment creation.
Babala ni Hontiveros, kung hindi maaagapan ang problema sa unemployment ay marami ang magugutom, hindi makakapag-aral at hindi makakakuha ng gamutan na kanilang kailangan.
Tinukoy ni Hontiveros na base sa datos ng gobyerno, nitong July 2020 ay nasa 4.6 million Pilipino na ang nawalan ng trabaho.
Apela ni Hontiveros sa economic managers, huwag lang ang estadong pananalapi ng bansa ang tutukan kundi pati na rin ang mga ordinaryong Pilipino na ngayon ay nangangailangan ng mapapasukang disenteng trabaho dahil sila rin pinakaapektado ng pandemya.