Cauayan City,Isabela- Target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) region 2 na magtalaga ng magsisilbing “Bantay Bakir” o Forest Protection Officer para tutukan ang pagbabantay sa kabundukan ng Sierra Madre laban sa mga illegal activities.
Sa naganap na virtual meeting kahapon, Abril 13 ng mga kinatawan ng Cagayan Valley Regional Environmental Law Enforcement Council (RELEC), pinangunahan ni DENR Enforcement Chief Joel Daquioag ang paglalatag sa bubuuing organisasyon at babansagang Barangay Bantay Kalikasan kung saan tutukuyin ang mga naitalang illegal logging activities.
Sa pamamagitan nito, mapalalakas pa ang information, education at communication activities sa bawat komunidad sa tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Natukoy naman ng ahensya ang mga itinuturing na illegal logging ‘hotspot’ area na kinabibilangan ng Pamplona, Sta. Ana, Lal-lo, Baggao at Peñablanca sa Cagayan; San Pablo, Tumauini, San Mariano at Palanan sa Isabela; at Nagtipunan at Diffun sa Quirino.
Kaugnay nito, may panawagan si DENR Region 02 Regional Director Gwendolyn Bambalan sa mga kasundaluhan at kapulisan na magsagawa ng tactical operation plan laban sa mga illegal activities sa mga natukoy na lugar.
Samantala, magsasagawa naman ng mahigpit na monitoring ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy at PNP Maritime Group bilang suporta sa laban ng ahensya kontra illegal logging.