Pagtatalaga ng barangay health workers at dagdag na benepisyo sa mga ito, pinamamadali na sa Kamara

162

Hiniling ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda ang agad na pag-apruba sa panukala para sa pagtatalaga ng mga barangay health workers sa bawat barangay at pagpapalawig din sa mga benepisyong natatanggap ng mga ito.

Tatalakayin na sa technical working group sa ilalim ng House Committee on Local Government ang mga panukalang inihain sa Kamara kaugnay sa mga barangay health workers para pagsamahin at pagisahin.


Ayon kay Baronda, malaking papel ang ginagampanan ng mga barangay health workers sa mga komunidad lalo pa’t maraming mga doctor at nurses ang umaalis ng bansa.

Ang mga ito aniya ang katuwang sa bawat barangay para makapaghatid ng health services ang gobyerno sa kabila ng kawalan ng maayos na benepisyo.

Sa ilalim ng House Bill 1557 ni Baronda, inaatasan ang LGU ng pagtatalaga ng hanggang limang barangay health workers sa bawat barangay sa buong bansa na dumaan naman sa accreditation ng local health board.

Tulad sa ibang barangay officials ay makakatanggap din ng benepisyo, incentives, allowances at titiyakin ang security of tenure ng mga barangay health workers.

Ang panukalang ito ay salig na rin sa Universal Health Care Law na tumitiyak sa pagbibigay ng mabilis, abot-kaya at accessible na serbisyong pangkalusugan.

Facebook Comments

From Advertisers