Pagtatalaga ng barangay health workers sa mga paaralan, iminungkahi ng isang kongresista

Inirekomenda ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ang pagtatalaga ng barangay health workers sa bawat paaralan sa bansa upang matiyak ang kalusugan ng mga mag-aaral ngayong ipapatupad na ang ‘full face-to-face classes’.

Pinakikilos ni Co ang mga Local Government Unit, mga barangay at ang Department of Health (DOH) na mag-deploy ng healthcare frontliners sa public schools upang matulungan ang mga paaralan sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga estudyante at mga guro sa anumang banta sa kalusugan.

Malaking tulong aniya na may nakabantay at may agad na makakatugon sa kalusugan ng mga mag-aaral lalo’t malaking banta pa rin ang COVID-19 pandemic.


Samantala, dahil magiging dagdag responsibilidad ito sa barangay health workers, hiniling na rin ng kongresista na ang BHWs na ide-deploy sa mga paaralan ay makakatanggap naman ng dagdag na honorarium.

Pinatututukan din ng kongresista sa mga barangay ang mga paaralan na magkaroon ng COVID response upang matiyak din ang kaligtasan at kalusugan ng buong komunidad.

Facebook Comments