
Binuhay muli sa Senado ang panukalang batas na pagtatalaga ng designated survivor kung saan pinatitiyak na hindi mababakante ang Office of the President sakaling magkasama-sama ang mga matataas na opisyal ng gobyerno at maging permanently disabled ang Pangulo at ang kanyang constitutional successors.
Sa isinusulong na Presidential Succession Bill, magtatalaga ang pangulo ng isang miyembro ng gabinete na dadalhin sa sikreto at ligtas na lugar na babantayan ng Presidential Security Group (PSG).
Ang naturang designated survivor na miyembro ng gabinete ang siyang aaktong pangulo kapag nasawi, naging disabled o sabay-sabay na nawala sa pwesto ang presidente at lahat ng iba pang matataas na opisyal bunsod ng terrorist attack, major calamity at iba pang pambihirang pangyayari.
Ang panunungkulan ng acting president ay hanggang sa mapalitan ng mahahalal na pangulo sa eleksyong gagawin naman sa loob ng 90 araw mula sa panunungkulan nito.
Batay sa Konstitusyon ang line of presidential succession ay vice president, senate president at speaker of the house.
Pero kapag nataon na pati ang mga ito ay nawala, magiging kasunod sa linya ang pinaka senior na senador, pinaka senior na kongresista, at kasunod ang designated survivor.
Hangad ni Lacson na magkaroon ng continuity sa pamamahala sa bansa at hindi magkaroon ng leadership crisis kapag nagkaroon ng kakaibang pangyayari.









