Pagtatalaga ng government psychologist o psychiatrist sa mga pagdinig, hiniling ng isang senador

Inirekomenda ni Senator Nancy Binay sa mga susunod na pagdinig na magtalaga ng government psychologist at psychiatrist.

Kaugnay na rin ito sa paggamit ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanyang mental health condition kaya hindi makadalo sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga iligal na krimen ng mga POGO.

Ayon kay Binay, dapat na magtalaga ng psychologist at psychiatrist ng gobyerno sa mga pagdinig ng Senado para i-validate ang medical reports o certifications ng mga inimbitahan na hindi makadadalo.


Sa kabilang banda, kung may sapat na pruweba na malubha at nasa incapacitating condition o hindi na makagalaw ang isang resource person, maaaring imungkahi ng itinalagang medical professional kung ire-require o hindi na humarap sa pagdinig.

Pinayuhan din ni Binay ang mga komite sa Senado na nagsasagawa ng pagdinig na manatiling mapagbantay laban sa ilang resource persons na ginagamit na lamang ang mental health condition bilang palusot para hindi humarap sa imbestigasyon.

Punto pa ng senadora, nakahihiya naman sa mga tunay na may mental health condition dahil ito ay seryosong usapin at hindi dapat na ginagamit sa pagsisinungaling.

Facebook Comments