Iminungkahi ni KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo ang pagtatalaga ng isang Dengue Czar sa harap ng nakakaalarmang patuloy na pagtaas ng tinatamaan ng naturang sakit.
Paliwanag ni Salo, kailangan ngayon ng tututok sa biglang pagdami ng dinadapuan ng dengue cases, katulad ng pagtatalaga ng COVID-19 czar sa kasagsagan ng pandemiya.
Bukod dito ay isinulong din ni Salo na magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Health upang matukoy kung epektibo ba ang anti-dengue programs ng Department of Health (DOH).
Sa inihaing House Resolution 79 ay ipinunto ni Salo na sa kabila ng pagpapatupad ng DOH ng National Dengue Prevention and Control Program ay patuloy na pagtaas sa kaso ng dengue lalo na sa mga probinsya.
Pangunahing binanggit ni Salo ang Antique na nag-deklara na ng state of calamity dahil sa sakit at posibleng sumunod na rin ang Negros Occidental na nakapagtala ng 77% na pagtaas sa kaso ng dengue.