Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapatibay sa panukalang batas na mag-oobliga sa lahat ng public swimming pools at bathing facilities na magtalaga ng lifeguard.
Ang apela ng senador ay kasunod na rin ng naitalang mahigit sa 70 nasawi dahil sa insidente ng pagkalunod sa nakalipas na Holy week at bakasyon.
Ayon kay Gatchalian, nakakalungkot na ang panahong inilaan para makasama ang pamilya ay nauwi sa trahedya para sa iba.
Iginiit ng mambabatas na maaaring maiwasan sa hinaharap ang mga ganitong insidente ng pagkalunod kung ang bawat pampublikong swimming pool ay may nakabantay na lifeguard para matiyak ang kaligtasan ng mga magus-swimming lalo na ang mga bata.
Dahil dito ay ipinasasabatas agad ni Gatchalian ang Senate Bill 1142 o ang Lifeguard Act of 2022 kung saan ang bawat public swimming pool ay dapat na may kahit isang lifeguard na magbabantay sa buong oras ng operasyon.
Kung malaki ang isang public swimming pool ay dapat mayroong nakatalaga na isang lifeguard sa bawat 250 square meters ng pool at ang mga lifeguard ay certified mula sa mga nationally recognized na organisasyon na accredited ng Department of Health (DOH).