Pagtatalaga ng mental health desks sa bawat barangay, hiniling ng isang kongresista

Iginiit ni San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes na maglagay na ng mental health desks sa bawat barangay bunsod na rin ng panibagong Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa NCR Plus bubble.

Binigyang diin ni Robes na dapat matutukan ang mental health ng mga Pilipino bilang bahagi ng pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Punto ng lady solon, hindi biro ang depresyon at anxiety na nararanasan ng publiko mula sa iba’t ibang epekto na idinulot ng pandemya.


Patunay aniya rito ang pagtaas sa bilang ng mga tumatawag sa National Center for Mental Health (NCMH) na nakapagtala ng 3,000 tawag ngayong unang quarter ng taon dahil sa dinaranas na mga mental health related problems.

Iginiit ng kongresista na kailangan ang mental health desks sa mga barangay dahil ito ang pinakamalapit na maaaring takbuhan ng mga tao.

Sinabi pa ni Robes na hindi naman kailangang doktor o professional ang tumao sa health desks dahil ang importante lang sa ngayon ay maging bukas ang komunikasyon at mayroong makikinig sa hinaing ng mga tao para mabigyan sila ng nararapat na payo.

Facebook Comments