Pagtatalaga ng permanenteng Police Attaché sa UAE, kinukunsidera ni Gen. Azurin

Kinukunsidera ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang pagtatalaga ng permanenteng Police Attaché sa Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE).

Ito ang isa sa mga napag-usapan sa pakikipagpulong ni Gen. Azurin kay Philippine Ambassador to the UAE Alfonso Ver kasabay ng International Criminal Police Organization conference.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan, naging produktibo ang pag-uusap ng dalawang opisyal kung saan natalakay ang mga hakbang para pangalagaan ang karapatan ng mga Pilipinong manggagawa sa naturang bansa.


Kasama rin sa mga napagpulungan ay ang safety concerns ng Filipino Community sa UAE, kabilang ang trafficking in person, at human smuggling.

Ani Azurin, sa pamamagitan ng direktang pakikipagugnayan ng mga Police Attaché sa mga dayuhang law enforcement agencies, makakatulong ito sa pagsugpo ng mga krimen na nakakaapekto sa magkabilang bansa at mas-mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga Pinoy.

Si Gen. Azurin ay nasa Abu Dhabi para dumalo sa 24th Asian Regional Conference ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) hanggang sa Sabado, Feb 11, 2023.

Facebook Comments