Pagtatalaga ng Usec. for Quarantine, hiniling sa pulong ng Defeat COVID-19 Committee; COVID-19, posibleng tumagal pa

Iminungkahi ni Public Health Expert Dr. Susan Mercado ang pagtatalaga ng isang Undersecretary na tututok sa umiiral na quarantine ngayon sa Luzon bunsod ng patuloy na pagtaas pa rin ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Sa isinagawang virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee ng Kamara, sinabi ni Mercado na mainam na magtalaga na ang pamahalaan ng isang Undersecretary for Quarantine Services partikular iyong may medical background, diplomatic at mayroon ding military background na bukod sa may kaalaman sa lawak at mabilis na pagkalat ng impeksyon ay kaya ring manduhan ang mga otoridad na siyang tumitiyak sa pagsunod ng publiko sa quarantine.

Inirekomenda din nito ang pagtatalaga ng international quarantine port para sa mga seafarers sa Corregidor na may military hospital at Red Cross.


Kinalampag din ni Mercado ang gobyerno na bumuo ng COVID-19-resilient health system kung saan magtatayo ng COVID-19 hospitals at referral network sa lahat ng probinsya gayundin ang pagtatayo ng Philippine Center for Disease Control para sa mabilis na testing.

Babala ni Mercado, mananatili pa rin ang COVID-19 sa bansa kahit pa matanggal na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaya naman pinayuhan nito ang pamahalaan na unti-untiin ang lifting sa quarantine hanggang sa tuluyang bumalik sa normal ang buhay ng lahat.

Hindi, aniya, pwedeng tuluy-tuloy pa rin ang quarantine dahil maaari itong mauwi sa malnutrisyon ng mga kabataan, pagkakaroon ng ibang sakit dahil sa pagtigil ng immunization program at pagkamatay ng mga buntis dahil sa kawalan ng prenatal care.

Habang patuloy, aniya, ang progreso ng bansa sa COVID-19 ay dapat manatili pa rin ang social distancing at pag-iingat sa kalusugan lalo na ang mga matatanda.

Facebook Comments