Hindi ito ang tamang panahon para magsagawa ng pagpapaganda sa Manila Bay ayon sa isang advocacy group kasunod ng muling paglalagay ng dolomite sands sa ilang bahagi ng baybayin nito.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Atty. Gloria Ramos, Vice President ng Oceana Philippines na una sa lahat ay mali ang ginawang pagtatambak ng “white sands” sa manila bay dahil ito’y isang key biodiversity area.
Mas magastos din aniya lalo na’t kinakailangan dito ang madalas na paglalagay muli ng dolomite sands kapag inanod na ito ng tubig o kapag may dumaang bagyo.
Samantala, sinabi naman ni PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap na isang reclamation at hindi rehabilitation ang ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa halip na ayusin ay tinambakan lamang ito ng mga dolomite sand.
Giit ni Hicap, kung magpapatuloy ang ganito hindi lamang sa Manila Bay ay mauuwi tayo sa pagkakaroon ng kakulangan ng supply ng mga isda.