Manila, Philippines – Itinuturing ng Commission on Human Rights (CHR) na isang “blanket punishment” ang pasya ng Bureau of Corrections (BuCor) na kanselahin ang mga pribilehiyo ng mga bilanggo sa buong bansa.
Una rito inanunsyo ni BuCor Chief Nicanor Faeldon na kanselado ang visiting privileges ng mga preso sa pitong penal colonies sa buong bansa.
Ito ay dahil sa patuloy na pagkakadiskubre ng mga kontrabando sa iba’t-ibang kulungan.
Kaagad naman itong inalmahan mga kaanak o mahal sa buhay ng mga inmate.
Sa isang statement, sinabi ni CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, mas makabubuti kung aayusin ng gobyerno ang jail management.
Sa halip aniya na pairalin ang isang blanket punishment ay dapat suriin ang sistema mula sa mga proseso at mga tauhan sa mga kulungan para hindi nalulusutan ng mga kontrabando gaya ng iligal na droga.
Dagdag pa nito, mas mainam din na tingnan muli ang implementasyon ng R.A. 10575 o Bureau of Corrections Act of 2013 na layong palakasin ang BuCor.
Batid aniya ng CHR na may limitasyon na para sa mga preso.
Pero may mga karapatan pa rin ang mga ito sa ilalim ng batas tulad ng pribilehiyong regular visits o dalaw.