Nakasalalay pa rin sa siyensya at ekonomiya ang magiging rekomendasyon ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa magiging kapalaran ng national capital region at iba pang lugar sa Luzon pagkatapos ng May 15.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kapag hindi pa sapat ang pagbibigay ng atensyong medical sa may mga COVID-19 lalo na at wala pang bakuna o gamot dito baka hindi pa tanggalin ang ECQ.
Gayunpaman, ibabalanse aniya ito ng IATF sa lagay naman ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Roque, lahat ay posibleng mangyari, pwede ring ibaba sa GCQ ang kasalukuyang ECQ sa Metro Manila o pwedeng by areas lamang depende sa ipakikitang datos ng COVID-19 at kapasidad ng lugar na mabigyan ng tulong medical ang mga pasyente.
Sa kabila, wala pa aniyang pinal na desisyon hinggil dito si Pangulong Duterte dahil hihintayin pa rin ang ipakikitang datos mula sa panahong ito hanggang bago mag-Mayo a-15.