Tama man o mali si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabi nito sa usapin ng Visiting Forces Agreement (VFA) ay natural at inaasahan ng ipagtatanggol ito ni Presidential Legal Adviser Secretary Salvador.
Reaksyon ito ni Senator Panfilo Lacson, sa sinabi ni Panelo na nakakatuwang masaksihan na ang isang di abogadong senador ay nagpapayo sa Pangulo na basahin ang ating Konstitusyon gayung marunong at sanay sa batas ang Pangulo.
Sabi pa ni Panelo, nagkakamali si Senator Lacson sa paniniwala na may papel ito sa kasalukuyang polisiya ng gobyerno sa VFA.
Muli iginiit ni Lacson, na sa Article VII Section 21 ng 1987 Constitution ay malinaw na nakasaad ang partisipasyon ng bawat senador sa pagboto pabor o kontra sa ratipikasyon ng isang tratado o international agreement tulad ng VFA.
Sa katunayan, ayon kay Lacson, sa opisyal na record ng Senado sa ginawang botohan noong May 27, 1999 ay 18 senador ang bomoto pabor at 5 ang kontra sa approval ng VFA.
Paliwanag ni Lacson, hindi naging valid at effective ang VFA kung hindi bomoto para sa ratipikasyon nito ang 2/3 ng mga senador.
Higit sa lahat, binigyang diin ni Lacson na maling tanggalan ng karapatan ang isang senador o kahit ordinaryong mamamayan na magpahayag ng opinyon ukol sa mga isyu na may kaugnayan sa ating pambansang interes.