Pinuri ng liderato ng Kamara ang pagdepensa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa interes ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa pamamagitan ng pagsusulong ng paggalang sa international law at mga patakaran para sa kapayapaan, katatagan, at kasaganahan para sa lahat ng stakeholders.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang matibay na pagtatanggol ni Marcos sa interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ASEAN Summit ay may mahalaga at praktikal na epekto sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Diin ni Romualdez, patunay ito na kumikilos si PBBM para matiyak na malayang makapangingisda ang mga Pilipino sa karagatan na sakop ng teritoryo ng bansa nang walang takot at walang panganib.
Sabi ni Romualdez, ipinapakita nito na hangad ng pangulo na masigurado na tanging mga Pilipino lamang ang makikinabang sa mineral and potential oil deposits at iba pang resources na nasa Exclusive Economic Zone.
Ikinalugod ni Romualdez na ginagamit ni Pangulong Marcos ang bawat pagkakataon upang talakayin ang isyu ng paggalang sa pandaigdigang batas at pagpipigil, hindi lamang sa mismong ASEAN Summit kundi pati na rin sa mga pulong kasama ang ibang bansa tulad ng China, South Korea, Japan, Canada, India, at Australia.