Pagtatapon ng basura sa Payatas, hanggang Disyembre na lang

Manila, Philippines – Pinayagan ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment Natural Resources ang Quezon City Government na gamitin ang Payatas Sanitary Landfill hanggang Disyembre taong kasalukuyan.

Ito ang napagkasunduan kanina sa masinsinang pagpupulong sa pagitan ng mga opisyales ng MMDA, DENR at Quezon City Government kung saan ay kinatigan ng DENR ang Quezon City Government ang kanilang kahilingan kasabay ng pagbisita sa naturang landfill.

Hiniling ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa DENR at MMDA na payagan na silang magtapon ng basura hanggang katapusan ng Disyembre.


Matatandaan na umalma ang mga residente ng Quezon City matapos isara ang naturang landfill dahil marami ng mga basurang nakatambak at hindi nahahakot matapos na isara ang Payatas Sanitary Landfill.

Ayon kay QC Administrator Aldrin Cuña, mayroon ng ordinansa ang QC Government na hanggang katapusan nalang ang operasyon ng naturang landfill pero naunahan sila ng MMDA na agad ipinasara dahil sa Habagat na lubhang delikado sa mga nakatira sa paligid ng dumpsite.

Nabatid na umaabot sa 2,800 tonelada ng basura ang nakokolekta sa lungsod araw-araw.

Facebook Comments