Pagtatapon ng China ng mga dumi ng tao sa WPS, maaaring habulin ng Pilipinas

Maaaring habulin ng Pilipinas ang China sa ginagawang pagtatapon ng mga dumi ng tao ng mga barko nito na naka-angkla sa West Philippine Sea.

Sa mga satellite images mula sa European Space Agency, makikita ang pagtatapon ng mga Chinese vessel ng mga dumi sa dagat na araw-araw umanong ginagawa ng mga Tsino sa nakalipas na ilang taon.

Sabi ni maritime expert Prof. Jay Batongbacal, ang ginagawa ng Tsina ay paglabag sa batas ng Pilipinas at sa International Law kung saan bawal gawing basurahan ang karagatan.


Aniya, maaari din itong maging basehan para iprotesta ang patuloy na presensya ng mga barko ng Tsina sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Dahil nga kitang-kita yung nangyayari na may pollution tapos may impact yung pollution dahil nga sa dami ng mga barkong nilalagay nila dyan na wala namang pahintulot natin, so, ‘yan po e basehan para iprotesta yung continuing presence ng mga barko nila,” ani Batongbacal sa interview ng RMN Manila.

“Pangalawa, para hingan sila ng danyos eventually doon sa damage kapag na-confirm natin through ground verification na talagang nanggagaling nga sa kanila ‘yung pinsala sa lugar.”

Kasabay nito, binigyang-diin ni Batongbacal ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa buhay ng mga Pilipino.

“Una, pagdating sa pangisdaan, 27% ng commercial marine fish catch ang nakukuha natin sa West Philippine Sea. Tapos, yung petrolyo na kailangan din natin e nandyan din sa West Philippine Sea na hanggang ngayon ay hindi natin matunton kung nasa’n kasi pinipigilan tayo sa pag-explore, e dyan po nakasalalay ang economic development ng Pilipinas,” aniya pa.

Pero aniya, hindi pa huli ang lahat para igiit ng bansa ang karapatan nito sa West Philippine Sea.

Dapat lang aniyang ipagpatuloy ang paghahain ng mga protesta, pagpapatrolya at pumili ng pinunong hindi uulitin ang polisiya ng kasalukuyang administrasyon.

“Dapat isyu talaga yan, kasi nga ang laki nung epekto nitong masyadong naging mapagbigay tayo sa Tsina at nakikita natin na wala tayong nakuhang masyadong ganansya, imbes e mga offshore gambling operations at kawalan ng trabaho at yung mga pangako nila na napako naman, ang kalapit po e yung West Philippine Sea,” giit ng maritime expert.

“So, hindi po talaga dapat mangyari uli. Sa susunod na eleksyon, kailangang pumili tayo ng mga lider na hindi ipagpapatuloy yung mga ganyang polisiya.”

Facebook Comments