Pinaiimbestigahan sa Kamara ang umano’y pagtatapon ng mga Chinese vessel ng “human waste” o dumi ng tao sa West Philippine Sea.
Sa House Resolution 1961 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan bloc, inaatasan ang House Committees on Aquaculture and Fisheries at Foreign Affairs para siyasatin ang napaulat na pagtatapon ng mga barko ng China ng dumi ng tao sa karagatang sakop ng bansa.
Tinukoy sa resolusyon na sakto sa paggunita ng ikalimang taong pagkapanalo ng bansa sa ruling ng international tribunal court sa The Hague noong 2016 ay lumabas ang report mula sa Simularity na ilang taon nang nagtatapon ang mga barko mula China sa West Philippine Sea ng human waste at sewage.
Dahil din sa ilang taong pagtatapon ng dumi sa teritoryo ng bansa ay nagresulta na ito sa malawakang pagkasira ng mga marine resource at pinangangambahang makakaapekto ito sa food supply, kagutuman at hanap buhay ng mga mangingisdang Pilipino.
Batay pa sa satellite images ng Simularity ay kitang-kita ang pinsalang idinulot ng pagtatapon sa karagatan ng bansa at ito ay aabutin pa ng ilang dekada bago maka-recover kahit pa isailalim sa mitigation.
Bunsod ng kawalang respeto at pagtapak sa soberenya ng bansa ay inuudyukan ng Makabayan bloc na maimbestigahan ng Mababang Kapulungan ang isyu sa lalong madaling panahon.