Paiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara ang pagtatapon ng “human waste” ng mga barko ng China sa karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Asst. Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, maghahain sila ng resolusyon para silipin ang findings ng US-based tech firm patungkol sa pagtatapon ng dumi ng tao ng mga Chinese vessel sa karagatan ng bansa.
Giit ni Brosas, malaking insulto ito sa soberenya ng bansa lalo’t katatapos lamang ng araw sa paggunita ng tagumpay ng bansa sa arbitration court laban sa China.
Pinakikilos naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para silipin ang dulot na pinsala ng mga barko ng China lalo na sa mga yamang dagat.
Hirit ng mambabatas na agad kumilos ang gobyerno sa isyung ito at huwag hayaan ang China sirain ang likas yaman ng bansa at tapakan ng tuluyan ang ating soberenya.