Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa gobyerno na huwag magbulag-bulagan sa nangyayari ngayon sa West Philippine Sea (WPS) na nagiging “The Great Wastes of China.”
Pahayag ito ni Recto kasunod ng balitang nagiging Waste Philippine Sea na ang WPS dahil sa pagtatapon dito ng China ng basura o mga dumi kung saan nagmimistulang inodoro na ang mga reefs.
Bunsod nito ay giniit ni Recto sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng imbestigasyon at kung mapapatunayang totoo ay agad magsampa ng kaso sa korte.
Mungkahi naman ni Recto sa Department of Foreign Affairs (DFA), pag-aralan ang paghahain ng diplomatic protest.
Paliwanag ni Recto, sa ilalim ng domestic at international laws ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga sasakyang pandagat ang pagtatapon ng basura sa karagatan.
Diin ni Recto, itinatakda ng ating mga batas ang malaking multa at parusang pagkakakulong para sa environmental crimes.
At kahit walang batas, ipinunto ni Recto, na hindi asal ng disente at sibilisadong tao na dumihan ang lugar na pinagkukunan ng maraming isda.