Pagtatapos ng imbestigasyon sa hindi awtorisadong sugar importation order, tinututulan ng isang senador

Mariing tinututulan ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang plano ng Senate Blue Ribbon Committee na tapusin na ang imbestigasyon kaugnay sa hindi awtorisadong Sugar Order No. 4 (SO4).

Giit ni Pimentel, ang pagsisiyasat ng Blue Ribbon Committee ay hindi nararapat na tapusin hangga’t hindi pa nako-cross examine ng mga senador ang ibinigay na testimonya ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Binigyang-diin pa ng senador na karapatan nilang mga mambabatas at miyembro ng komite na kwestyunin si Rodriguez at para maging patas na rin sa mga indibidwal na nabanggit ng executive secretary sa kanyang naunang testimonya.


Iginiit pa ni Pimentel na hindi kailangan ng ‘partial report’ na balak gawin ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino at pwede naman aniyang diretsong final report na kapag natanong na ng mga senador si Rodriguez.

Naunang sinabi naman ni Tolentino na bukas siya sakaling may senador na maggiit na ipatawag pa si Rodriguez pagkatapos ng kanyang mga aktibidad pero magpapalabas na siya ng partial report na ibabatay sa magiging tatlong pagdinig na nais ng senador na sana ay huling hearing na.

Mababatid na muling nag-abiso si Rodriguez kay Tolentino na hindi ito makakadalo sa ikatlong pagdinig kaugnay sa iligal na sugar importation order sa susunod na Martes dahil magiging abala ito sa paghahanda para sa state visits ni Pangulong Bongbong Marcos sa Indonesia at Singapore sa susunod na linggo.

Facebook Comments