Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala para sa pagtatatag ng Anti-Drug Abuse Councils sa buong bansa.
Sa botong 200 Yes at wala namang pagtutol ay napagtibay ang House Bill 7812 na layong maglagay ng Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa mga probinsya, syudad, munisipalidad at mga barangays.
Ang ADAC ay bubuuhin ng mga local officials at mga kinatawan mula sa iba’t ibang community organization na siyang mamamahala sa pagpaplano, pagpapatupad at magbabantay sa mga local anti-drug abuse programs, projects, at activities.
Magsisilbi ring mekanismo ang konseho para makakuha ng impormasyon at siyang magbibigay ulat sa mga otoridad kaugnay sa mga kahina-hinalang illegal drug personalities, facilities, at activities sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, makakatulong ang impormasyong makukuha ng ADAC para makabuo ang Kongreso ng cohesive at functional policies para epektibong mapuksa ang iligal na droga sa bansa.
Aminado ang lady solon na talamak pa rin ang kaso na may kinalaman sa illegal drugs lalo ngayong pandemya dahil marami ang nahihikayat sa mabilis at malaking kita na maaari nilang makuha para lamang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.