Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagtatatag ng archipelagic sea lanes sa gitna na rin ng tumataas na tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2395 na layong itaguyod ang archipelagic sea lanes sa karagatang sakop ng Pilipinas kung saan itinatakda ang karapatan at obligasyon ng mga foreign ships at aircraft sa pagsunod sa archipelagic sea lanes passage.
Ayon kay Gatchalian, napakahalaga at kailangang maisabatas ang panukalang pagkakaroon ng archipelagic sea lanes upang maprotektahan ang ating national security gayundin ang economic at environmental interests partikular sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Pagbibigay diin pa ng senador, kailangang siguruhin na mapoprotektahan ang seguridad at soberenya ng bansa kabilang na ang kapakanan ng mga mangingisdang pumapalaot sa West Philippine Sea.
Sa panukala ay gagawing klaro ang sakop ng archipelagic sea lanes at coordinates kagaya ng Sea Lane 1 na sakop ang Philippine Sea- Balintang Channel- West Philippine Sea; Sea Lane 2 na sakop naman mula West Philippine Sea- Mindoro Strait- Cuyo East Pass- Sulu Sea- Sibutu Passage- Celebes Sea; at Sea Lane 3 na sakop ang Celebes Sea- Basilan Strait- Sulu Sea- Nasubata Channel- Balacbac Strait- West Philippine Sea.
Oras na maging ganap na batas, ipagbabawal na ang pagsasagawa ng mga foreign ships at aircraft ng hindi awtorisadong research at survey activities sa mga sakop na karagatan gayundin ang pangingisda, marine bioprospecting, loading at unloading ng mga indibidwal, pera o mga bilihin.