PAGTATATAG NG COMMAND CENTER, NAKIKITANG PAG-ASA PARA SA MGA COVID-19 POSITIVE

Cauayan City, Isabela- Inaasahang magtatayo ng Command Center ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela na magsisilbing pag-asa para sa mga mamamayan ng Isabela lalo na sa mga tinamaan ng COVID-19.

Sa pakikipagpulong ni Isabela Governor Rodito Albano III sa mga alkalde, Municipal at City Health Officers, Chiefs of Hospitals at Department Heads ng provincial government ay inilatag nito ang kanyang plano para mabigyan ng solusyon ang patuloy na lumolobong kaso ng COVID-19 sa probinsya na kung saan ay nakakapagdulot aniya ito ng anxiety sa maraming Isabelino.

Ayon sa pahayag ng Gobernador, ramdam na aniya nito ang pangamba ng mga Isabelino dahil na rin sa mga balitang punuan na ang mga COVID-19 referral hospitals sa Lambak ng Cagayan lalo na sa Metro Manila sa kabila ng nagpapatuloy na bilang ng mga dinadapuan ng sakit.


Iyon aniya ang pinaka importante na kailangang masiguro na may pagdadalhan sa mga magpopositibo para mabigyan ng mga kinakailangang gamot at mabantayan ng maigi.

Ipinaliwanag ng Gobernador na sa Command Center ay dito malalaman kung saang bakanteng hospital ang puwedeng pagdalhan sa pasyente; dito ibibigay ang datos ng lahat ng positive cases kasama ang hotline numbers sa bawat bayan at Lungsod hanggang sa barangay level kung sila ba ay symptomatic o asymptomatic.

Sa Command Center ay mayroon din itatalagang ambulansiya na siyang gagamitin kung kinakailangang ilipat ang pasyente sa ibang ospital.

Sinabi rin ng ama ng Lalawigan na sa panahon ng pandemya ay kinakailangang mayroon pa rin ‘peace of mind’.

Kaugnay nito, inatasan na ni Gov. Albano ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan maging ang ilang mga Mayors para maglatag din ng plano kaugnay sa itatayong Command Center.

Facebook Comments