
Isinusulong ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang dalawang panukalang batas na magiging daan para maging disaster-resilient ang bansa na layong baguhin at pag-ibayuhin pa ang disaster preparedness at response system ng pamahalaan lalo na’t sunod-sunod nanaman ang malalakas na pag-ulan sa maraming lugar sa bansa.
Nakapaloob ito sa dalawang panukalang batas na inihain ni Estrada, ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) at ang Disaster Food Bank and Stockpile Act.
Sa ilalim ng panukalang DDR, ito ang magiging pangunahing ahensya ng gobyerno na mangunguna sa disaster risk reduction and management, climate adaptation, emergency response, at long-term recovery.
Saklaw ng DDR ang lahat ng natural at biological hazards tulad ng bagyo, lindol, pandemya, pagputok ng bulkan at iba pang climate-related threats.
Samantala, ang Disaster Food Bank and Stockpile Act naman ay layong magtatag ng food and supply hubs sa bawat lalawigan at syudad upang matiyak ang mabilis at epektibong paghahatid ng tulong tuwing may kalamidad o krisis.
Tinukoy ni Estrada na madalas ay nade-delay ang paghahatid ng tulong dahil hindi kaagad nakakarating sa lugar ang relief efforts ng pamahalaan.
Malaking tulong aniya ang paglalagay ng food banks sa bawat lugar lalo na sa mga nangangailangan at mga nakatira sa malalayong komunidad na siyang pinaka-prayoridad ng panukala.









