Pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), muling itinutulak sa Kamara

Muling isinusulong sa Kamara ang paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR) na layong mapangasiwaan ng mas maayos ang ‘disaster risk reduction at response efforts’ ng pamahalaan.

Sa House Bill 13 na inihain nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre, iginiit na napapanahon na para magtatag ng isang kagawaran na sesentro sa mga ‘natural hazards at disasters’ at mangunguna sa paghahanda, pagtugon, pagbangon , at rehabilitasyon ng mamamayan at ng lugar.

Ang panukalang DDR ay magiging pangunahing disaster management agency na pamumunuan ng isang kalihim at apat na Undersecretaries.


Kabilang sa kapangyarihan ng DDR ay magpatupad ng pinagsama-sama at komprehensibong disaster risk reduction, preparedness at response management program.

May kapangyarihan din ang ahensya na magpatupad ng ‘preemptive o forced evacuation’, curfew at pagrarasyon ng relief goods.

Itatatag din sa loob ng ahensya ang operations center at humanitarian assistance action center na titiyak sa mga pangangailangan ng mga nasalanta o biktima ng kalamidad.

Mamanahin naman ng DDR ang pondo at mga tauhan ng Office of Civil Defense (OCD) at iba pang related agencies.

Facebook Comments