Umapela si Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe sa gobyerno na ikonsidera at maisama sa priority measures ang panukalang bubuo sa Department of Water Resources (DWR).
Nanghihinayang si Poe dahil hindi kasama sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang nasabing panukala dahil kailangan pa umanong pagaralan ang paglikha ng isang hiwalay na departamento na mangangasiwa sa tubig ng bansa.
Hirit ni Poe, kung ang panukalang Department of Water ay maisasama sa priority list ng mga panukalang batas ay posibleng mapagtibay ang panukala sa taong ito.
Sinabi ng senadora na tila inutil ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS sa pag-administer ng tubig kaya naman panahon na para pag-isahin ang 30 ahensya na nangangasiwa sa distribusyon ng tubig sa bansa at magkaroon ng iisang kagawaran.
Bagama’t nagpapasalamat si Poe na may aksyon ang gobyerno sa ilalim ng Executive Order 22 na lumilikha sa Water Resources Management pero hindi naman siya kumbinsido na kailangan pang gumastos para pag-aralan ang paglikha ng hiwalay na departamento para sa tubig.
Sa kabilang banda, kahit hindi kasama sa prayoridad na panukala ng adminsitrasyong Marcos ang Department of Water Resources, sa palagay ni Poe ay may clamor mula sa publiko lalo’t kahit sa mga probinsya ay masama ang serbisyo ng tubig.