Ipinanawagan muli ni Senator Grace Poe ang pagkakaroon ng iisang departamento na mangangasiwa ng tubig sa bansa.
Giit ni Poe, “whole of government approach” ang kailangan para tugunan ang problema sa baha sa bansa pero dapat ay mayroong manguna ritong ahensya at hindi ang Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sinabi ng senadora na nakita mula sa epekto ng climate change na walang kakayahan ang DPWH o maging ang DENR sa management ng tubig at sa halip ay nagturuan lamang ang mga ito sa nangyaring mataas at malawak na pagbaha matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Carina at habagat.
Kung magkakaroon aniya ng Department of Water Resources, sila ang unang mananagot sa pagbaha dahil ang ahensyang ito ang gagawa ng polisiya at ito ang mangangasiwa hindi lang sa water sources kundi kasama pati ang sewage system.
Tiwala si Poe na bago matapos ang 19th Congress ay maipapasa ng kasalukuyang Chairperson ng Senate Committee on Public Services na si Senator Raffy Tulfo ang panukala para sa nasabing bagong ahensya.