Hinihimok ni House Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo ang gobyerno na magtatag ng National Public Health Emergencies Council na siyang tututok sa mga outbreak sa hinaharap.
Sa ilalim ng House Bill 6719, lilikha ng isang government body na ang focus ay para ihanda ang bansa na harapin ang mga health emergencies katulad sa COVID-19 pandemic.
Binibigyan din ng mandato ang council na pakilusin ang lahat ng ahensya para makontrol at mapigilan ang epekto ng health crisis sa bansa.
Ayon kay Crisologo, nakita ngayong may pandemya ang mga pagkukulang na kinakailangang remedyuhan ng gobyerno para mas maging epektibo ang crisis management strategy ng bansa sa mga biglang uusbong na sakit.
Naniniwala ang mambabatas na epektibong sangkap ito para maiangat ang antas ng paghahanda, data gathering at assessment sa sitwasyon tuwing panahon ng health crisis.
Dagdag pa ng kongresista, kapag may national crisis ay sobrang umaasa ang mga Pilipino sa kahandaan ng pamahalaan kaya dapat na paigtingin ang pagtugon, tiyakin na epektibo, namo-monitor at may regular na evaluation sa umiiral na strategic plans laban sa sakit.