PAGTATATAG NG HOME FOR THE AGED, PINAGPAPLANUHAN SA DAGUPAN CITY

Pinagpaplanuhan ang pagtatatag ng sariling Home for the Aged sa Dagupan City matapos aprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon na humihikayat sa alkalde na simulan ang mga hakbang para sa pagtatayo ng pasilidad.

Batay sa draft Resolution No. R-043-2026, binigyang-diin na marami sa mga nakatatanda sa lungsod ang nanganganib dahil sa kakulangan ng sapat na proteksyon at pangangalaga.

Layunin ng panukala na matiyak ang kanilang kaligtasan, maayos na serbisyong pangkalusugan, tamang nutrisyon, at psychosocial support.

Kabilang sa mga unang hakbang na tinukoy sa resolusyon ang paghahanap ng angkop na lugar, pagsasagawa ng feasibility study, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan, non-government organizations, faith-based groups, at pribadong sektor upang maisakatuparan ang proyekto.

Sa kasalukuyan, wala pang permanenteng pasilidad sa lungsod para sa mga nakatatandang nangangailangan ng tuloy-tuloy at espesyal na pangangalaga, dahilan upang bigyang-prayoridad ng lokal na pamahalaan ang inisyatibong ito.

Facebook Comments