Isinulong ni Iloilo Representative Julienne Baronda, ang pagtatatag ng isang National Missing Persons Database at pagkakaroon ng libreng DNA testing.
Nakapaloob ito sa House Bill 9529 o panukalang National Missing Persons Database and DNA Testing Act na inihain ni Baronda.
Ayon kay Baronda, sa pagkakaroon ng isang central repository ng lahat ng impormasyon patungkol sa mga nawawalang indibidwal ay mas mapapadali na muling magkasama ang mga magkakapamilyang nawalay sa isa’t isa.
Layunin ng panukala ni Baronda na i-streamline o pasimplehin ang koordinasyon sa pagitan ng lahat ng hurisdiksyon at palitan ng impormasyon patungkol sa mga missing persons.
Nais naman ni Baronda na gawing libre ang DNA testing para sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng nawawalang indibidwal.
Tinitiyak naman sa panukala ni Baronda ang pagpapatupad ng confidentiality at Data Privacy kaugnay sa mga impormasyon ng mga nawawalang indibidwal at kanilang kaanak.