Isinusulong ni Deputy Speaker at Valenzuela Representative Eric Martinez ang pagtatatag ng isang Olympian Museum.
Sa inihaing House Bill 10096 o “Philippine Olympian Memorial Act” ay ipinapanukalang itayo ang Olympian Museum sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.
Magsisilbi itong official repository ng lahat ng Olympian records at memorabilia.
Ayon kay Martinez, paraan ito upang kilalanin ang karangalan na ibinigay ng Pinoy olympians na nag-alay ng dugo’t pawis para katawanin ang Pilipinas sa Olympics.
Kasabay nito, itinutulak din ng kongresista na palitan ang pangalan ng ilang public infrastructures at facilities sa mga pangalan ng mga Filipino olympian bilang pagpupugay sa mga ito.
Kabilang dito ang New Clark City Aquatics Center na papalitan ng pangalang “Teofilo E. Yldefonso Aquatics Center”, New Clark City Athletics Stadium bilang “Simeon G. Toribio Athletics Stadium”, at ang Philippine Institute of Sports Football and Athletics Stadium bilang “Miguel S. White Athletics Stadium”.
Pinasasama rin ni Martinez sa basic education curriculum ang core values, kabayanihan at sakripisyo ng ating mga national athlete.