Iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamahalaan na simulan na ang pagtatatag ng rice production zones para maalis na ang pagiging dependent ng bansa sa imported na bigas at mabawasan ang panganib ng food security ng bansa.
Sa gitna na rin ito ng pinangangambahang pagliit ng suplay ng iniimport na bigas ng bansa matapos na magpatupad ng ban ang India sa kanilang non-Basmati rice exports.
Ayon kay Zubiri, ipinaabot niya na rin ang suhestyon na ito kay Pangulong Bongbong Marcos sa ginanap na hapunan kamakailan at nagpakita umano ng interes dito ang presidente.
Aniya, sa ilalim ng isinusulong na panukala ay mag-gu-grupo grupo ang mga probinsya sa iisang rice production zone habang ang Presidente bilang kasalukuyang Kalihim ng Department of Agriculture ay magtatalaga ng Undersecretary o Assistant Secretary na mangangasiwa sa partikular na rice production zone at sa mga magsasaka hanggang sa makamit ang maximum efficiency ng ani.
Kasama rin sa hiling ni Zubiri ang pagbuhos ng pondo at atensyon ng gobyerno sa isusulong na rice production zones.
Maaari aniyang gamitin ng gobyerno ang Networks of Protected Areas for Agricultural and Agro-industrial Development (NPAAADs) sa ilalim ng Bureau of Soils and Water Management kung saan mayroon silang mga mapa ng malusog at irrigable na lupa na angkop para sa crop production tulad ng bigas.