Napagkasunduan na ang isa sa pinakamalaking proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan para sa layunin ng kasalukuyang administrasyon na magkaroon ng murang kuryente at oportunidad sa trabaho para sa mga Pangasinense.
Ang mga nabanggit na benepisyo ng itatayong proyekto na Solar Power Plants sa probinsya ay napagkasunduan na ng mga opisyal at nilagdaan na ng Joint Development Agreements sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, CSFirst Green Agri-Industrial Development Inc., URIT Limited Philippines Corporation at China Energy International Group na ginanap nito lamang Miyerkules ika-3 ng Mayo sa Urduja House, bayan ng Lingayen.
Nagkakahalaga ito ng nasa $503 milyong dolyar kung saan nakatakdang itayo ito sa mga bayan ng Infanta at Dasol.
Ayon sa Gobernador ng Pangasinan na si Ramon “MonMon” Guico III , mayroon umanong nagbabantang krisis sa enerhiya sa ilang bahagi ng probinsya, at nagkakaroon ng power outages kung kaya’t dahil sa mga nagaganap na ito ay nais nang maaalis ng pamahalaan ang ganitong problema kung kaya’t gaganap ng isang mahalagang papel ang probinsya sa pag-aambag sa pangangailangan ng kuryente ng bansa.
Inaasahang magdaragdag ang proyekto ng renewable energy capacity na 321 megawatts sa energy requirements ng probinsya sa unang bahagi ng taong 2027.
Pabor ang mga investors dahil ang Pangasinan umano ay angkop na lugar para makapag-develop na ganitong proyekto dahil sa magandang pagsikat ng araw dito.
Inaasahan na mapapakinanbangan na ito at magiging operasyonal sa taong 2026 o 2027. |ifmnews