Inaprubahan ng Senado ang resolusyon na magtatatag ng isang Special Senate Committee na tatalakay sa mga panukalang may kinalaman sa maritime zones, baseline at archipelagic sea lanes at iba pang usapin na may kaugnayan sa pagprotekta ng teritoryo ng Pilipinas, food security, environmental protection at iba pa.
Sa in-adopt na Senate Resolution 76, ang special committee ay magkakaroon ng hurisdiksyon sa pag-aaral, pagdinig at pag-uulat ng lahat ng mga nabanggit na usapin.
Matatandaang unang isinulong ni Senate Committee on Justice Chairman Senator Francis Tolentino ang pagbuo ng special committee matapos na mai-refer sa senate Committee on Foreign Relations ang Philippine Maritime Zones bill.
Hiniling rin ni Tolentino na mailipat ang referral ng naturang panukala sa pinamumunuan niyang Senate Committee on Justice dahil ang panukala ay may kinalaman sa immigration laws at sa basic human rights ng mga mangingisdang Pilipino.
Pinatitiyak naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Senado ang agad na pag-aksyon ng mataas na kapulungan sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos kaugnay sa tungkuling depensahan ang pambansang teritoryo ng Pilipinas.