Umapela si Senator Pia Cayetano sa mga kasamahan sa Senado na pag-aralan ng husto ang panukalang pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines.
Ito ay dahil sa posibilidad na ang magiging epekto ng pagtatayo ng VIP ay ang pagbubuwag sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na sa ngayon ay nangangasiwa sa pagsusuri sa mga virus na nakaaapekto sa mga tao.
Sinabi ni Cayetano na sa isinagawa nilang pagdinig kinumpirma sa kanya ng mga resource person na sa ilalim ng panukala mabubuwag ang RITM at lahat ng responsibilidad nito ay ililipat sa itatayong VIP at maidaragdag ang pag-aaral sa mga virus na nakakaapekto sa mga hayop at halaman.
Inirekomenda ng senadora na sa halip na buwagin ang RITM, mas makabubuting amyendahan na lamang ang mandato nito at idagdag ang mga responsibilidad na ilalagay sa itatatag na VIP.
Binigyang-diin pa ng senador na nakita naman sa kalagitnaan ng COVID 19 pandemic ang kahalagahan at naging malaking papel ng RITM.