Pagtatatag ng Virology Research Institute at Center for Disease Control sa bansa, aprubado na sa ikalawang pagbasa

Mabilis na nakalusot sa ikalawang pagbasa ang dalawang panukala na layong magtatag ng mga institusyon na makakatulong sa paglaban at pagkalat ng mga sakit.

Sa viva voce voting ay agad na inaprubahan ang House Bill 9559 o pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP) at House Bill 9560 o pagtatatag naman ng sariling Center for Disease Control and Prevention (CDCP) ng bansa.

Sa sponsorship nila Committee on Health Chairperson Angelina “Helen” Tan at Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla, ay tinukoy ng mga ito ang pagkakaroon ng bansa ng sariling virology institute at CDCP na makatutulong sa paglaban sa mga sakit na posibleng umusbong sa hinaharap.


Sa HB 9559 ay itatatag ang Virology Research Institute sa bansa upang mapagaralan ang detection at limitasyon sa pagkalat ng virus gayundin ang makalikha ng bakuna bilang long-term protection at gamot.

Magsisilbi itong premier research at development institute sa field of virology na sakop lahat ng uri ng virus at viral diseases na matatagpuan sa mga tao, halaman at mga hayop.

Samantala ang CDCP naman sa ilalim ng HB 9560 ay magsisilbing hiwalay na ahensya na nasa ilalim ng kontrol ng Department of Health (DOH) na sesentro sa pagpigil ng mga kumakalat na communicable o infectious disease.

Ang CDCP ang siyang magpapatupad ng mga polisiya, magsasagawa ng surveillance at pagaaral, disease control, prevention at response sa mga sakit na bigla na lamang umuusbong o iyong mga rapid o sudden onset health hazards and emerging diseases tulad ng novel coronavirus.

Facebook Comments